U.S President Trump, Nilagdaan ang Executive Order para Palitan ang Department of Defense bilang Department of War

Nilagdaan ni Pangulong Donald Trump ang isang executive order na nagpapalit ng pangalan ng Department of Defense bilang Department of War upang umano’y mas sumalamin sa “warrior ethos” ng militar ng Estados Unidos.
U.S President Trump, Nilagdaan ang Executive Order para Palitan ang Department of Defense bilang Department of War

Washington D.C.— Nilagdaan ni Pangulong Donald Trump noong Biyernes ang isang executive order na nag-uutos na palitan ang pangalan ng Department of Defense at gamitin ang katawagang Department of War, na aniya ay “mas tunog akma” at mas malinaw na sumasalamin sa pananaw ng kagawaran.

Ayon kay Trump, “Mas angkop ang pangalang ito lalo na sa sitwasyon ng mundo ngayon. Tayo ang may pinakamalakas na militar sa buong mundo, may pinakamahusay na kagamitan, at pinakamagagaling na tagagawa ng makinarya.”

Bagama’t tanging Kongreso ang may kapangyarihang lumikha, mag-alis o magpalit ng pangalan ng mga kagawaran sa ilalim ng batas pederal, ipinag-utos ng pangulo na gamitin na ng Pentagon ang bagong katawagan bilang pangalawang titulo.

Nagpahayag na rin ang ilang mambabatas mula sa Republican Party na magsusumite sila ng panukalang batas upang gawing pormal ang pagpapalit ng pangalan.

Samantala, sinabi ni bagong Secretary of War Pete Hegseth na ang pagbabago ay simbolo ng pagbabalik sa tinatawag niyang “warrior ethos,” at binigyang-diin na hindi pa muling nanalo ang Estados Unidos sa isang malaking digmaan mula nang alisin ang pangalang Department of War noong dekada 1940.

Philippine People's Press | In Truth We Prevail