Mayor isko, pinitik sa tenga ang ‘Lowbat boy’ na nagdulot ng trapik sa Maynila

Mayor Isko Moreno pinitik sa tenga ang viral na "Lowbat Boy" bilang babala matapos nitong makaabala sa trapiko sa Maynila.
Mayor isko, pinitik sa tenga ang ‘Lowbat boy’ na nagdulot ng trapik sa Maynila

By Sherman Calotes | Philippine People's Press 

Isang lalaking tinaguriang “Lowbat Boy” ang personal na pinagsabihan ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso matapos maging viral sa social media dahil sa perwisyong idinulot ng kanyang sidecar na nakahambalang sa kalsada sa Tondo, Maynila.

Sa isang video na ibinahagi ng alkalde, makikitang aktong pinitik ni Mayor Isko ang tainga ng lalaki bilang simbolikong babala laban sa mga lumalabag sa batas at nagdudulot ng abala sa trapiko.

“Uulitin ko: May gobyerno na po sa Maynila! Hindi na puwede ’yung siga-siga at perwisyong ginagawa sa kalsada,” mariing pahayag ng alkalde. “Ngayon pitik lang muna sa tenga. Sa susunod na lumabag kayo sa mabigat na batas, talagang may kakalagyan kayo!”

Ayon sa ulat ng Manila Police District, mabilis na inaksyunan ng mga otoridad ang insidente matapos mag-viral sa Facebook ang larawan ng lalaki na natutulog sa kanyang sidecar na nakaharang sa Quezon Street papuntang Herbosa sa Tondo, na nagdulot ng matinding pagsikip sa daloy ng trapiko.

Nagpasalamat naman si Mayor Isko sa mga netizen na tumulong sa pagsuplong ng insidente at patuloy na nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan.

“Maraming salamat po sa inyong pagtulong! Tuloy-tuloy lang po ang pag-tag sa ating pamahalaang lungsod, at agad naming tinutugunan ’yan,” dagdag pa ng alkalde.

Nanawagan din ang pamahalaang lungsod sa publiko na maging responsable sa paggamit ng kalsada at iwasan ang anumang uri ng pag-abala sa daloy ng trapiko.

Philippine People's Press | In Truth We Prevail