Limang Al Jazeera Journalists, Nasawi sa Airstrike ng Israel

Limang Mamamahayag, kabilang ang kilalang na Journalist na si Al Sharif, ang nasawi sa airstrike ng Israel sa Gaza na tinutulan ng Al Jazeera at tinawag na pag-atake sa press freedom.
Limang Al Jazeera Journalists, Nasawi sa Airstrike ng Israel

By Sherman Calotes | Philippine People's Press 

Nagtipon nitong Lunes (Agosto 11) ang mga kawani ng Al Jazeera upang mag-alay ng pagpupugay sa lima nilang kasamahan na nasawi sa isang airstrike ng Israel nitong Linggo (Agosto 10).

Kabilang sa mga nasawi ang kilalang mamamahayag na si Anas Al Sharif, na dati nang nakatanggap ng banta mula sa Israel. Ayon sa mga opisyal ng Israel, tinarget si Al Sharif dahil umano sa pagiging pinuno ng isang militanteng selula ng Hamas at sa pagkakasangkot sa pagpapakawala ng rocket laban sa Israel.

Mariin namang itinanggi ng Al Jazeera ang paratang, at bago mamatay ay itinanggi rin mismo ni Al Sharif ang mga akusasyon.

“Ngayong araw, ipinapahayag namin ang aming pasasalamat at katapatan sa aming mga nasawing kasamahan, at pinatitibay na magpapatuloy kami sa aming propesyonalismo at sa landasing ito,” pahayag ng anchor na si Salma Al-Jamal sa isang live broadcast habang tangan ng mga empleyado ang larawan ng mga nasawi.

Dagdag pa ng news director na si Assef Hamidi, “Ang pagpatay sa mga mamamahayag ay hindi makakapigil sa pagpapalaganap ng katotohanan at impormasyon.”

Si Al Sharif, 28, ay kabilang sa apat na mamamahayag at isang assistant ng Al Jazeera na napatay sa isang airstrike sa isang tent malapit sa Al Shifa Hospital sa silangang Gaza City. Ayon sa mga opisyal ng ospital, dalawa pang tao ang nasawi sa insidente.

Isa pang mamamahayag, ang lokal na freelance reporter na si Mohammad Al-Khaldi, ay nasawi rin sa parehong pag-atake. Kinilala ng Al Jazeera ang iba pang nasawing mamamahayag bilang sina Mohammed Qreiqeh, Ibrahim Zaher, at Mohammed Noufal.

Sa isang pahayag, sinabi ng militar ng Israel na si Al Sharif ang nanguna sa isang yunit ng Hamas at responsable sa pagpaplano ng rocket attacks laban sa mga sibilyan at sundalo ng Israel Defense Forces (IDF). Ipinahayag nilang nakabatay ito sa intelihensiya at mga dokumentong nakuha sa Gaza, ngunit hindi pa nila inilalantad ang ebidensya.

Mariin ding itinanggi ng Israel na sadyang tinatarget ang mga mamamahayag, at iginiit na marami sa mga nasawi sa kanilang airstrike ay miyembro ng militanteng grupo na nagkukunwaring bahagi ng media.

Philippine People's Press | In Truth We Prevail